Ito ang epiko ng mga Manobo na nagsasalaysay tungkol sa buhay ni Tulalang, ang panganay na anak ng isang mag-asawang mahirap
1 of 4
Downloaded 83 times
More Related Content
Tulalang: Epiko ng mga Manobo
1. TULALANG
Epiko ng Manobo
(Ito ang epiko ng mga Manobo na nagsasalaysay tungkol sa buhay ni Tulalang. Siya ang
panganay na anak ng isang mag-asawang mahirap.)
Isang araw ay nasa gubat si Tulalang at nangunguha ng ubod ng rattan na kanilang
pagkain. Nakakita siya ng isang matanda na naaawa pala sa kanilang magkakapatid.
Lumapit sa kaniya ang matanda at ang wika:
Huwag kang mag-alala sa inyong pagkain, Tulalang. Simula ngayon ay hindi na kayo
magugutom. Anuman ang naisin ninyo ay mapapasainyo.
Simula noon, ang magkakapatid ay nanagana sa pagkain.
Sa kabila ng kanilang kasaganaan ay nanatili pa rin silang masisipag. Umunlad ang
kanilang kabuhayan at ito ay nabantog sa buong kapuluan. Maraming mga tao sa iba’t
ibang tribu ang nagtungo sa kanilang tahanan upang pumailalim sa kanilang
kapangyarihan.
Pagkalipas ng maraming taon, ipinasya ng magkakapatid na manirahan sa torohan o
palasyo. Ang palasyo ay napakalawak at ang trono ay napapalamutian ng mga ginto,
pilak at iba pang mamahaling bato. Walang tigil ang mga alipin sa pagtugtog ng
magagandang musika, kaya ang mga naninirahan sa paligid ng palasyo ay naaaliw rin.
Si Tulalang ay isang binatang matangkad, payat, may maitim na mga ngipin at mahabang
buhok. Siya ay may sinturong isang damak lamang ngunit naipupulupot niya ng pitong
ulit sa kanyang baywang. Puting-puti ang kanyang damit na may mahabang manggas at
ang pantalon niya ay hanggang tuhod lamang. Ang kanyang mga daliri ay nagkikislapan
sa mga gintong singsing. May balaraw sa baywang at may pulang turban sa ulo na
ginagamit sa paligid. Siya ay laging nakayapak lamang.
Ang magkakapatid ay may kani-kaniyang silid sa palasyo maliban sa kaisa-isang kapatid
na babae na inilagay sa pinakamalalim na bahagi ng pitong patong na basket na nakabitin
sa loob ng silid ni Tulalang. Siya ay hiyas ng magkakapatid na dapat ingatan. Ngunit ang
dalaga ay may kapangyarihang mag-anyong iba’t-ibang hugis na naisin niya. Siya ay
gadaliri lamang habang nasa loob ng basket. Siya ay nananatili sa loob ng basket kung
wala siyang ginagawa.
Ang kapatid nilang babae ay nagtatanim ng mahiwagang rosas tuwing umaga at bago
tumanghali ay namumulaklak ito. Kapag nalanta agad ang mga bulaklak na rosas ay
nagbabalang may darating na kaaway sa kanilang kaharian. Isang araw ay biglang nalanta
2. ang bulaklak na rosas. Dumating si Agio at sinalakay ang Kulaman, ang kanilang
kaharian. Hindi man lamang nabahala o natakot si Tulalang at ipinagpatuloy ang kanyang
ginagawa.
Hinamon ng mayabang na heneral si Tulalang. Isa sa kanyang mga singsing ang nagsalita
at pinayuhang labanan ang kaaway. Inalis niya sa daliri ang singsing at inutusan ito na
labanan ang mga kaaway. Sa isang iglap ay naging sundalo ang singsing. Lumaban ito at
maraming napatay na mga kaaway, Nakita ito ni Agio at ibinunyag niya na ang sundalo
ay isa lamang singsing. Kaagad nilang pinaghahampas ng sibat ang sundalo kaya
huminto ito at naging singsing na muli.
Muling hinamon ng mayabang na heneral si Tulalang. Inutusan ni Tulalang ang kanyang
balaraw na makipaglaban. Ito ay naging sundalo at muli na namang pumuksa ng mga
kaaway. Ibinunyag na naman ni Agio na ang sundalo ay isang balaraw lamang.
Hinawakan niya sa leeg ang balaraw na naging sundalo, at ito ay bumalik sa dating anyo,
ang leeg ang naging hawakan ng balaraw.
Sa pangatlong hamon ay si Tulalang na ang lumaban. Marami siyang napatay na mga
tauhan ni Agio. Nang siya ay napagod ay umakyat siya sa palasyo at nagpahinga.
Hinalinhan naman siya ng kapatid niyang si Mangampitan. Sa kanyang kamay naman
namatay ang kalahati ng mga kalabang natitira. Siya ay napagod din at nagpahinga sa
palasyo kaya siya ay hinalinhan naman ng pinakabunso sa magkakapatid, si Minalisin.
Nangamatay ng lahat ang mga kalaban maliban kay Agio. Naglaban naman sina Agio at
Minalisin. Tinamaan ng sibat si Agio. Nagbalik sa dating anyo si Agio na kanina ay nag-
anyong pulubi bago maglabanan. Siya ay naging isang makisig na binata. Nagpatuloy sila
sa paglalaban hanggang sa mapagod. Nakita pala sila ng kapatid na babae ni Tulalang sa
mahiwagang langis na nagpatulog sa kanila. Nalaman nila pagkagising na sila palang
dalawa ay magpinsan.
Kung araw ay natutulog si Tulalang sa ilalim ng isang punungkahoy. Isang uwak na
nakadapo sa sanga ang dumumi sa kanyang mukha. Nagising siya at ipinagbigay-alam sa
kanya ng uwak na may darating na isang napakalaking higanteng kumakain na tao. Sinabi
rin sa kanya kung paano ito matatagpuan.
Agad-agad ay nagtungo siya sa kagubatan at dito ay nakakita siya ng isang kubong may
nainirahang matandang babae. Sinabi sa kanya ng matanda ang tungkol sa higante at sa
magandang dilag na bihag nito.
Tinungo niya agad ang tahanan ng higante na sinabi sa kanya ng matandang babae. Ang
bahay ng higante ay napakataas kaya maraming punong saging na tumubo sa ilalim nito.
Natutulog ang higante at nakakulong ang dalaga sa hawla nang siya’y dumating.
Nagising ang higante. Sino ang nariyan? ang sigaw ng higante. Nakaamoy ako ng baboy,
tamang-tama sa aking pananghalian. Hindi ako baboy, ang sagot ni Tulalang. Ako ay
3. taong kagaya mo. Kinuha ng higante ang panggarote at ang dalawa ay naglaban.
Nagawang putulin ni Tulalang ang dalawang kamay, dalawang paa at ulo ng higante.
Inilabas ni Tulalang ang babae mula sa hawla. Napag-alaman ng binata na ang pangalan
ng magandang babae ay Macaranga at ang pook na pinanggalingan niya ay Macarangga
rin ang pangalan. Naakit siya sa dalaga kaya niyaya niya itong pakasal. Tumanggi ang
dalaga. Dahil pagod, si Tulalang ay nakatulog. Nalimutan tuloy niya ang iniluluhog na
pag-ibig sa dalaga. Nang magising siya ay wala na ang dalaga, ngunit isang suklay ang
sadyang iniwan nito at nakuha naman ng binata. Kaagad siyang nanaog sa tahanan ng
higante at sumakay sa kanyang musala. Nagtanong siya sa pitong babaeng nanahi na
natagpuan niya. Tinungo niya ang itinuro ng mga ito. Napag-alaman niya na si
Macaranga ay nagtungo sa Kulog. Tinungo niya kaagad ang Kulog, ngunit ang babae raw
ay nagtungo sa Kidlat. Ngunit ito raw ay nasa langit nang puntahan niya. Nagtungo siya
sa langit at dito ay nakita niyang naliligo sa ilog ang dalaga. Binanggit niyang muli ang
kanyang pag-ibig ngunit hiniling ng dalaga na bayaan muna raw siyang makauwi sa
kalangitan.
Nakauwi ang dalaga sa kanyang palasyo at napag-alaman niya na ang ama pala niyang
hari ay namatay na. Sa gayon, ang kanilang kaharian ay nangangailangan ng hari.
Pumayag siyang pakasal kay Tulalang. Umuwi muna si Tulalang sa kanilang kaharian
bago pakasal. Pagdating sa kaharian ay napag-alaman niya na sinalakay na muli ang
Kulaman upang kunin ang kanyang kapatid na babae. Iniligtas muna niya ang kanyang
kapatid hanggang sa makalimutan niya ang pangako kay Macaranga.
Minsang wala si Tulalang sa kaharian ay muling sumalakay ang mga kaaway. Ang hari
ng mga Bagyo ang pinuno ng mga kaaway. Siya ang pinakamalakas na kaaway ni
Tulalang sapagkat hindi siya nakikita. Nagapi ng kaaway ang dalawang kapatid na lalaki
ni Tulalang, at ang babae naman ay dinala sa kaharian nito. Nang tumangging pakasal
ang babae sa hari ng mga Bagyo ay nilaslas ang kamay niya.
Nang malaman ito ni Tulalang ay madali siyang sumakay sa musala at tinungo ang
kuweba ng hari ng mga Bagyo. Nag-anyo siyang sibat at pumasok sa kuweba ngunit ang
hangin ay wala na roon. Gumawa siya ng paraan upang makapasok sa kaharian.
Nagbalatkayo naman siyang isang bata at sa isang paraan ay nakapasok sa palasyo at
naging alila. Siya ay nadistino sa kusina. Minsan ay nakasalubong niya ang kanyang
kapatid na babae.
Isang gabi ay itinakas niya ang kanyang kapatid. Naghinala ang hari na ang batang alipin
ay si Tulalang, kaya ipinasya niyang lusubing muli ang Kulaman. Bago umalis ang hari
ng mga Bagyo at ang mga tauhan nito ay hiniling muna ng hari na huminga sila sa isang
bote at takpang mahigpit at ibitin sa loob ng palasyo.
4. Nang maglaban na ang dalawang pangkat ay napansin ni Tulalang na kapag may
napapatay silang kaaway ay napapalitan kaagad ng dalawa mula sa dugo nito. Lalong
dumarami ang kaaway habang marami silang napapatay. Tinungo niya kaagad ang
kaharian ng mga Bagyo. Gumawa siyang muli ng paraan upang makuha ang boteng
pinag-iwanan ng kaluluwa ng hari at mga kawal nito.
Kinabukasan, sa harap ng mga kaaway ay tumayo siya sa beranda ng palasyo at binalaan
ang hari at mga kawal nito. Kung hindi kayo susuko ay babasagin ko ang boteng ito
upang mangamatay ang inyong kaluluwa. Napilitang sumuko ang Hari at mga kawal nito
at napaalipin kay Tulalang.
Isang araw, ipinabatid ni Tulalang sa kanyang nasasakupan na ang sarimbar na galing sa
langit ay darating na upang silang lahat ay kunin. Hiniling niya sa mga tao na manalangin
sa loob ng apat na buwan upang pagdating sa langit ay magiging Katolosan o Kaluluwa,
(immortal beings) maging ang apat na magkakapatid.
Pagkatapos ng apat na buwang panalangin, ay biglang may humihip na malakas na
hangin. Nagdala ito ng balita kay Tulalang na isang malaking baboy ramo ang
manggagaling sa Silangan upang silain ang mga tao sa Kulaman at isang higante ang
haharang sa sarimbar pagbabalik sa langit. Dahil sa taglay na lakas ni Tulalang ay
napatay niya ang baboy ramo at higante.
Katanghaliang tapat ay bumaba na ang sarimbar sa nakasabit sa kadenang ginto. Ito ay
hugis bangka ngunit yari sa bato. Isa-isang sumakay ang mga tao upang iakyat sa langit.
Isa pang higante ang nagtangkang pumutol ng kadena ng sarimbar ngunit napatay rin siya
ni Tulalang. Ang mga kapatid ni Tulalang at ang mga mamamayan ay naging maligaya sa
kalangitan at nagtamo ng buhay na walang hanggan.