1. Ang Tala sa Dapit-Hapon
Luisito M. Gomez
Mga tauhan ng dula:
ARNOLD Isang magsasaka masipag at matiyagang asawa ni marien
MARIEN Ang ina ni Lindo
LINDO Anak ni Arnold at Marien
DIMOTRI Amain ni Lindo kapatid ng kaniyang ama
ALKALDE Gahaman sa ari-arian ng mga taga bagong bayan
UNANG TAGPO
Sa bagong bayan naninirahan ang pamilya ni Arnold, pagmamay-ari ng kanilang pamilya ang
pinakamalawak na lupain sa buong bayan.
ARNOLD (Ginigising ang anak na si lindo) Lindo anak, gumising ka na baka mahuli ka sa
eskwela.
MARIEN (Nilalambing ang anak buhat sa pagkakahiga nito) bangon na anak, nakahanda na
ang almusal mo, masamang pinaghihintay ang pagkain (Sabay halik sa pisngi ng anak).
LINDO (Pinipilit bumangon) Nay, wala kaming pasok, diba sabi ko sayo wala si maam.
MARIEN Lindo babangon ka ba diyan o isusumbong kita sa tatay Arnold mo? nakahanda ang
baon sa eskwela (Nakangiting may pagbibiro sa anak).
LINDO Opo, an diyan na po. (May pagkainis sa sarili habang papalapit sa hapag kainan).
2. ARNOLD Aalis na ako Marien (Ang Pagpapaalam sa asawa) kailangan na ako sa bukirin at
magkikita kami ni Alkalde.
MARIEN Ano! (Nagulat sa sinabi ng asawa) Makikipagkita ka sa Alkalde?
ARNOLD (Lalapit sa asawa na tila may pangangamba) Sinabi ni Dimotri sa akin na nais
makipagkita ng Alkalde at aalamin ko ang tunay niyang pakay.
MARIEN (Inaalala ang asawa) Mag-ingat ka, alam mo naman ang ugali ng Alkalde na yan
baka.. baka naman (Nauutal sa pagsasalita).
ARNOLD (Hahagkan nito ang asawa) Huwag kang mag-alala, walang mangyayari saking
masama makikipag-usap lamang ako. Sige at hahayo nako. (Aalis na ito)
MARIEN Mag-ingat ka (Pagpapaalam sa asawa).
LINDO (Sumisigaw mula sa kusina, tinatawag ang ina) Naynaynay
MARIEN Oh bakit? Pambihira kang bata ka, bakit hindi ka pa natatapos, mahuhuli ka na nyan
sa eskwela nakaalis na yung tatay mo.
IKALAWANG TAGPO
Habang naglalakad si Arnold patungo sa bukirin, biglang dumating si Dimotri at ipinaalam
nito na kanina pa naghihintay ang Alkalde sa kaniya at tila may mga hawak na mga papeles.
DIMOTRI- Kuya (Ang tawag niya kay Arnold, habang humahangos) Nakita ko na
naghihintay ang alkalde sa bahay pahingahan mula sa gitna ng ating bukirin.
ARNOLD Ganun ba? Kung gayoy samahan mo ako sa kinaroroonan niya.
(Ang dalawang magkapatid ay nakarating na sa kinaroronan ng Alkalde)
ARNOLD Magandang Umaga po. (Pagbati nito sa Alkalde).
ALKALDE Magandang umaga naman Arnold, kumusta na ang aking bukirin? (Tila
mayabang ang pananalita).
3. ARNOLD (Patutya sa Alkalde) Mukang nahihibang na kayo alkalde? Anong bukirin? Ang
bukirin na ito ay sa akin. (Biglang sumabat si Dimotri sa usapan nang dalawa).
DIMOTRI Mawalang galang na po sa inyo alkalde, hindi nyo pwedeng angkinin ang bagay na
hindi ninyo pagmamay-ari.
ALKALDE Tumahimik ka! (Sigaw nito kay dimotri) wala kang alam, wala kayong alam!
(Dinuduro ang dalawa).
ARNOLD Anong sinasabi mo? (Pagalit na tanong ni Arnold).
ALKALDE - Di bat ikaw nga ang may pinakamalawak na lupain dito sa bagong bayan. Pero
hindi mo na ito pagmamay-ari ngayon, dahil pagmamay-ari ko na ito ngayon. (Nang-iinsulto)
(Hinablot agad-agad ni Arnold ang magkabilang kuwelyo ng alkalde at aakmang susuntukin ito
ngunit pinigilan siya ni Dimotri)
ARNOLD Wala kang karapatan na angkinin ang bukirin ko.
ALKALDE Hindi ko ito inaangkin, narito ang mga papeles kung saan nakasaad diyan na ito
ay pambayad utang ng iyong ama, na sa tingin kong hindi niya nasabi sayo.
ARNOLD Hindi totoo ang mga papeles na iyan! Wala kang alam sa kasunduan namin ng
aking itay?
ALKALDE Ikaw ang walang alam, dahil sa ilang taong pangangalaga mo sa napakalawak na
bukirin na ito, sa isang iglap mawawala nalang bigla.
(Umalis nalang bigla ang Alkalde, habang nanggagalaiti sa galit si Arnold at Dimotri).
4. IKATLONG YUGTO
Pagkauwi ni Arnold sa bahay, dala-dala nito ang mabigat na problema na agad namang
naramdaman ni Marien.
MARIEN Anong nangyari sa pag-uusap ninyo ng alkalde? (Mahinahong tanong ng asawa).
ARNOLD Mawawala na sa atin ang bukirin, may mga papeles ang alkalde na nagsasaad na
nakapangalan sa kaniya ang bukirin na akala kong lubos na ipinamana ni itay, hindi ko na alam
ang gagawin, tanging ang bukirin lamang ang bumubuhay sa ating pamilya.
MARIEN (Naiyak na lamang sa bisig ng asawa).
IKAAPAT NA TAGPO
Makalipas ang Pitong taon, nagpatuloy ang buhay ni Arnold kasama ang kaniyang
pamilya, ngunit wala na ang kanilang lupain, tuluyan na nga itong nakuha sa kanila ng Alkalde.
Samantala ang anak niyang si Lindo ay magtatapos na sa pag-aaral sa kolehiyo sa kursong
Abogasya, sa tulong na din ng amain nitong si Dimotri at sa araw-araw na pagtitinda ng
kaniyang ina sa palengke.
LINDO (Lumapit sa kaniyang ama) itay, matatapos na po ako sa pag-aaral at hindi ko ito
magagawa kung wala kayo ni nanay na gumabay sa akin.
ARNOLD Anak, lagi mong tatandaan na lagi kaming nadito para sayo, hindi man namin
maibigay ang lubos-lubos mong pangangailangan, pero lagi kaming nandito ng nanay mo para
maging takbuhan mo sa anumang problema na darating.
LINDO Kaya tulad ng pinangako ko sa inyo ni nanay, sisikapin kong mabawi ang ating lupain.
ARNOLD Salamat anak, salamat sa pang-unawa mo, salamat sa binibigay mong pagmamahal.
(Niyakap ang kaniyang anak).
5. IKALIMANG TAGPO
Sa araw ng pagtatapos ni Lindo, naroon ang kanyang tatay Arnold at nanay Marien upang
samahan siya sa tagumpay at pagtanggap sa natatanging parangal para sa pinakamahusay na
mag-aaral ng taon.
(Sa talumpati ni Lindo)
LINDO Unang-una sa lahat pinapasalamatan ko ang aking mga magulang sa walang sawang
paggabay mula pagkabata hanggang sa akoy lumaki at tulungang maabot ang aking pangarap sa
buhay, salamat sa aking mga magulang, ang tala na nagbigay liwanag sa paghihirap at pighati
saking buhay, kaya naman ang tagumpay na ito ay aking alay sa magulang kong tunay na gabay.
(Lubos na nagagalak ang puso ni Arnold at Marien sa tagumpay ng anak)
MARIEN (Mangiyak-ngiyak) Salamat anak, salamat sa pagtitiis mo sa ilang taong lumipas.
LINDO Huwag ka ng umiyak nay, baka humagulgol pa dito si tatay (Pabiro nitong sabi sa
ama).
ARNOLD Basta laging mong tatandaan anak, ang tagumpay ay hudyat ng panibagong simula,
ang araw man ay lumilipas sa dapit hapon parin magwawakas.
-wakas