2. Kay Selya
1 Kung pagsaulan kong basahin sa isip
ang nangakaraang araw ng pag-ibig,
may mahahagilap kayang natititik
liban na kay Celiang namugad sa dibdib?
2 Yaong Celiang laging pinanganganiban,
baka makalimot sa pag-iibigan
ang ikinalubog niring kapalaran
sa lubhang malalim na karalitaan.
3 Makaligtaan ko kayang di basahin
nagdaang panahon ng suyuan namin,
kaniyang pagsintang ginugol sa akin
at pinuhunan kong pagod at hilahil?
4 Lumipas ang araw na lubhang matamis
at walang natira kundi ang pag-ibig,
tapat na pagsuyong lalagi sa dibdib,
hanggang sa libingan bangkay koy maidlip.
5 Ngayong namamanglaw sa pangungulila
ang ginagawa kong pang-aliw sa dusa,
nagdaang panahoy inaalaala,
sa iyong laraway ninitang ginhawa.
6 Sa larawang guhit ng sintang pinsel
kusang inilimbag sa pusot panimdim,
nag-iisang sanlang naiwan sa akin
at di mananakaw magpahanggang libing.
7 Ang kaluluwa koy kusang dumdalaw
sa langsangat nayong iyong niyapakan,
sa ilog Beatat Hilom na mababaw
yaring aking pusoy laging lumiligaw.
8 Di mamakailang mupo ang panimdim
sa puno ng manggang naraanan natin,
sa nagbiting bungang ibig mong pitasin,
ang ulilang sintay aking inaaliw.
9 Ang katauhan koy kusang nagtatalik
sa buntung-hininga nang ikawy may sakit,
himutok ko nooy inaaring Langit,
Paraiso naman ang may tulong silid.
10 Liniligawan ko ang iyong larawan
sa Makating ilog na kinalalagyan,
binabakas ko rin sa masayang dongan,
yapak ng paa mo sa batong tuntungan.
11 Nagbabalik mandit parang hinahanap
dito ang panahong masayang lumipas,
na kung maliligoy sa tubig aagap
nang hindi abutin ng tabsing sa dagat.
12 Parang naririnig ang lagi mong wika:
tatlong araw na di nagtatanaw tama,
at sinasagot ko ng sabing may tuwa,
sa isang kataoy marami ang handa.
13 Ano pa ngat walang di masisiyasat
ang pag-iisip ko sa tuwang lumipas,
sa kagugunita, luhay lalagaslas,
sabay ang taghoy kong O, nasawing palad!
14 Nasaan si Celiang ligaya ng dibdib?
ang suyuan namiy bakit di lumawig?
nahan ang panahon isa niyang titig
ang siyang buhay ko, kaluluwat langit?
15 Bakit baga noong kamit maghiwalay
ay di pa nakitil yaring abang buhay,
kung gunitain koy aking kamatayan
sa puso koy Celiay di ka mapaparam.
16 Itong di matiis na pagdaralita
nang dahil sa iyo, o, nalayong tuwa,
ang siyang umakay na akoy tumula,
awitin ang buhay ng isang naaba.
17 Celiay talastas kot malabis na umid,
mangmang ang musa kot malumbay ang tinig,
di kinabahagya kung hindi malait,
palaring dinggin mo ng taingat isip.
18 Itoy unang bukal ng bait kong kutad
na inihahandog sa mahal kong yapak,
tanggapin mo nawa kahit walang lasap,
nagbuhat sa puso ng lingkod na tapat.
19 Kung kasadlakan man ng pulat pag-ayop,
tubo koy dakila sa puhunang pagod,
kung binabasa moy isa mang himutok
ay alalahanin yaring naghahandog.
20 Masasayang nimfas sa lawa ng Bai,
sirenas ang tinig ay kawili-wili,
kayo ngayoy siyang pinipintakasi
ng lubhang mapanglaw na Musa kong imbi.
21 Ahon sa dalatat pampang na nagligid
tonohang ng lira yaring abang awit,
na nagsasalitang buhay may mapatid,
tapat na pagsintay hangad na lumawig.
22 Ikaw na bulaklak niring dilidili
Celiang sagisag moy ang M.A.R.,
Sa Birheng mag-inay ipamintakasi
ang tapat mong lingkod na si F.B.