1. Aling pag-ibig pa ang hihigit kaya
Sa pagkadalisay at pagkadakila
Gaya ng pag-ibig sa Tinubuang lupa?
Aling pag-ibig pa? Wala na nga, wala.
Pagpupuring lubos ang palaging hangad
Sa bayan ng taong may dangal na ingat,
Umawit, tumula, kumanta't sumulat,
Kalakhan din niya'y isinisiwalat.
Walang mahalagang hindi inihandog
Ng may pusong mahal sa Bayang nagkupkop,
Dugo, yaman, dunong, katiisa't pagod,
Buhay ma'y abuting magkalagut-lagot.
Bakit? Alin ito na sakdal ng laki,
Na hinahandugan ng buong pagkasi,
Na sa lalong mahal nakapangyayari,
At ginugulan ng buhay na iwi?
Ito'y ang Inang Bayang tinubuan:
Siya'y ina't tangi sa kinamulatan
Ng kawili-wiling liwanang ng araw
Na nagbigay-init sa buong katawan.
Kalakip din nito'y pag-ibig sa Bayan,
Ang lahat ng lalong sa gunita'y mahal,
Mula sa masaya'y gasong kasanggulan
Hanggang sa katawa'y mapasa-libingan.
Sa aba ng abang mawalay sa bayan!
Gunita ma'y laging sakbibi ng lumbay,
2. Walang alaala't inaasa-asam
Kundi ang makita'y lupang tinubuan.
Pati ng magdusa'y sampung kamatayan
Wari ay masarap kung dahil sa bayan
At lalong mahirap. Oh, himalang bagay!
Lalong pag-irog pa ang sa kanya'y alay.
Kung ang bayang ito'y masasa-panganib
At siya ay dapat na ipagtangkilik,
Ang anak, asawa, magulang, kapatid;
Isang tawag niya'y tatalikdang pilit.
Hayo na nga, hayo, kayong nagabuhay
Sa pag-asang lubos ng kaginhawahan
At walang tinamo kundi kapaitan,
Hayo na't ibangon ang naabang bayan!
Kayong nalagasan ng bunga't bulaklak
Ng kahoy ng buhay na nilanta't sukat,
Ng bala-balaki't makapal na hirap,
Muling manariwa't sa baya'y lumiyag.
Ipahandug-handog ang buong pag-ibig
At hanggang may dugo'y ubusing itigis;
kung sa pagtatanggol, buhay ay mapatid,
Ito'y kapalaran at tunay na langit !